(Ron with Seashore, a young local of Apo Island)
Tahimik na ang kampana.
Ang tanging ingay na lamang
na pumapailanglang
ay ang tagaktak ng tubig
na bumubulwak sa banga
upang saluhin, at muling iligwak,
ng kambal na lawa
sa kaniyang ibaba.
Anim na araw ka pa lamang dito.
Ngunit ang tinig mo’y
sing-lambing na rin
ng uyayi ng kalmadong alon
sa dalampasigang,
sa iisang siglap, ay nakaon
ang iyong puso.
Nagliwanag na
ang makulimlim mong mga mata.
Sing-brilyo ng tama ng araw
sa biyak-biyak na korales,
na nilapatan ng iyong mga paa,
sa islang nilimot ng tadhana.
Tahimik na ang kampana,
ang himig ay may lambing na,
at ang liwanag ay muli nang nagpakita.
Anim na araw--
matapos humalik sa paliparan
karagatan, tahanan,
ng siyudad na nabuhay noon
sa iyong kaisipan,
at ngayo’y bahagi na
ng iyong katotohanan.
Anim na araw mula ngayon,
nakatakda na rin ang iyong paglisan
ngunit paano na nga ba lalayuan
ang ngayo’y katambal na
ng damdamin mo at isipan?
-The other sputnik
Cafe Antonio, Dumaguete City
2 June 2007
No comments:
Post a Comment